Mahigit 700 posibleng COVID close contacts na-detect pa sa QC -QC LGU

Sa pamamagitan ng KyusiPass contact tracing system,
natukoy pa ng Quezon City government ang 774 na indibidwal na close contact ng siyam na nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay City Epidemiology and Disease Surveillance Unit Chief Dr. Rolando Cruz, pinadalhan na ng abiso ang mga personalidad para makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan.

Aniya, na-detect at natukoy ang mga indibidwal sa isang establishment matapos masuri ang aktibidad ng mga residente na nagpositibo noong May 7 at 8.

Mabilis lang raw nakuha ang detalye ng ibang costumers sa nasabi ding establisyimento dahil sa KyusiPass.

Sabi pa ni Dr. Cruz, lahat ng mga residente na nakatanggap na ng abiso mula sa CESU ay pinapayuhan na tumawag sa kanilang mga Contact Tracing Hotlines na 8703-2759, 8703-4398, 0916-122-8628, 0908-639-8086 at 0931-095-7737 o mag email sa kyusipass@quezoncity.gov.ph.