Mahigit 50% sa bilang ng COVID positive sa Davao City, nagmula sa workplaces

Mahigit sa kalahati ng kabuuang bilang ng COVID-19 positive sa Davao City, ay sanhi ng outside transmission tulad ng mga workplace at mga government office.

Ito ay ayon kay City Health Officer Dr. Ashley Lopez, na siya ring focal person ng City COVID-19 Task Force, na nagsabing nalagpasan na nito ang bilang ng COVID-19 positive na sanhi ng local transmission.

Batay sa report ng Department of Health (DOH) XI, nasa 2,831 na ang aktibong kaso sa lungsod matapos madagdagan ng 187 na bagong kaso kahapon.

Ayon kay Lopez, nagkakaroon ng clustering of cases sa mga lugar ng pinagtatrabahuan tulad ng mga bangko, factory, government offices, at BPO companies, na siyang nakapagtala ng may pinakamataas na bilang ng mga empleyadong nahawaan ng COVID-19.

Aniya, kabilang sa mga dahilan ng pagdami ng mga kaso sa workplaces ay ang di tamang pagsunod sa mga health protocol, di pagpapatupad ng Safe Davao QR System, at di pagre-report ng mga kaso ng COVID-19 positive o suspected cases sa City Health Office.

Sa katunayan, nakatanggap na rin ng report ang city government na may mga BPO company umano na nagpapapasok ng mga F1 contact, at kahit iyong mga empleyadong may flu-like symptoms tulad ng lagnat at ubo, Bagay na iniimbestigahan na ngayon ng COVID-19 Enforcement Unit ng lungsod.

Kaya nagbabala ang city government sa mga pribadong kumpanya at mga opisina, na papanagutin nila ang sino mang mapag-alaman at mapatunayang lumabag sa mga lokal na regulasyon kontra COVID-19 at mga probisyon ng Inter Agency Task Force Omnibus guidelines.