Mahigit 400 Pinoy call center operators at 8 Israeli sa online scam, arestado ng PNP Anti-Cybercrime Unit

Inaresto ng Philippine National Police Anti Cybercrime Group ang 474 na Pinoy call center operators at walong Israeli nationals na sangkot sa multi-million dollar online investment scam kahapon ng umaga sa Clark Free Zone Pampanga.

Sa presentasyon ng walong dayuhan sa Camp Crame ngayong umaga, iniulat ni ACG Director Chief Supt. Marni Marcos Jr na nag-ugat ang kanilang operasyon sa reklamo ng mga apat na Australian na biktima ng estafa ng mga Israeli na nagpapatakbo ng International Branding Development Marketing Inc. sa lugar.

Kwento ng isa sa mga biktima na humarap sa Camp Crame, pinapaniwala siya na bitcoin ang kanyang papasukin at lalaki ang kanyang investment na 107,000 Australian dollars.

Pinag-download daw siya ng form na kanyang sinagutan na ginamit din kinalaunan para ma-access ang kanyang personal information at bank accounts.

Sa ikinasang operation ng ACG, naaktuhan ang mga suspek na nakikipag-transaksyon online sa kanilang mga kliyente sa Europe, New Zealand, Australia, Africa at Russia.

Nakuha rin sa kanila ang mga digital evidence na naglalaman ng kanilang transaksyon.

Mahaharap ang mga naaresto sa syndicated estafa. Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa Bureau of Immigration para alamin kung paano sila nakapasok sa bansa. | ulat ni Leo Sarne