Mahigit 400 Pinoy call center agents na sangkot sa multi-million dollar online trading scam, pinalaya na ng PNP

Pinalaya na ng Philippine National Police (PNP) ang 474 Pilipinong call center agents na idinitine kasama ng 8 Israeli nationals na inaresto kaugnay ng pagkakasangkot umano sa isang multi-million dollar online trading scam.

Iniulat ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na released for further investigation ang mga Pilipinong call center operators habang kasalukuyang nakakulong ng without bail ang 8 dayuhan.

Ang walong Israeli ay kinasuhan ng paglabag sa Anti-Cybercrime Law at syndicated estafa dahil sa kanilang pagtakbo ng milyun-milyong dolyar na investments ng kanilang mga dayuhang biktima.

Nag-set up umano ang mga ito ng isang call center sa Clark freeport zone at nagpanggap na isang London investment company na nang-engganyo ng mga dayuhan na mag-invest sa kanila.

Kahapon iprinisinta ni Albayalde sa Camp Crame ang 8 Israeli na inaresto ng PNP Anti-Cybercrime group matapos na ireklamo ng mga dayuhang biktima.

Ayon kay Albayalde, iimbestigahan pa ng PNP kung aktibong sangkot sa iligal na operasyon ang mga Pinoy call center workers o kung sila ay nagamit lang ng sindikato ng mga Israeli scammers. | ulat ni Leo Sarne