Mahigit 370,000 doses ng Pfizer vaccine, dumating na sa bansa

Nasa bansa na ang karagdagang 375,570 doses ng COVID-19 vaccine na Pfizer-BioNTech.

Bahagi ito ng ikalawang tranche ng binili ng national government, matapos dumating ang naunang 562,770 doses noong July 21.

Pasado alas-9 kagabi nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, ang Air Hong Kong flight LD457, na may dala ng mahigit 272,000 doses.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr., 51,480 doses ng Pfizer ang inilaan sa Cebu para sa vaccination ng mahigit 25,000 indibidwal.

Ang 51,480 doses naman ay dadalhin sa Davao ngayong araw.

Dahil dito, umabot na sa 3.4 million doses ng Pfizer ang dumating sa bansa na kapwa binili at donasyon sa Pilipinas.

Nasa 40 milyong doses ng Pfizer ang binili ng pamahalaan para sa COVID-19 vaccination program.