Mahigit 35,000 tauhan ng AFP, kumpleto na sa bakuna

Fully vaccinated na ang mahigit 35,000 tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) o halos 20 percent ng kanilang kabuuang mahigit 180,000 pwersa.

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Captain Jonathan Zata, 34,390 sa mga ito ang nakakumpleto na ng dalawang dose ng Sinovac vaccine, habang 1,155 naman ang dalawang beses na rin naturukan ng AstraZeneca.

Sinabi ni Zata, na ang mga nakakumpleto na ng bakuna ay ang kanilang mga medical frontliner, kabilang ang mga sibilyan na doktor at nars.

Kasama din dito ang mga sundalo, na nagbabantay sa mga quarantine checkpoint o yung ng tinaguriang “sentinels,” na kinukunsidera ding mga frontliner.

Ayon kay Zata, nagsimula kahapon ang pagbabakuna ng mga nalalabing tauhan ng AFP na kabilang sa A4 priority group, at matatapos aniya ito depende sa availability ng vaccine.

Una nang sinabi ni AFP Chief of Staff General Cirilito Sobejana, na mandatory para sa lahat ng tauhan ng AFP na magpabakuna, bagamat malaya silang pumili ng brand ng bakuna depende sa availability.