Mahigit 30% ng target population sa Muntinlupa, nabakunahan na vs. COVID-19

Iniulat ng Lokal na Pamahalaan ng Muntinlupa na 36.28 percent na ng target population nito, ang nabakunahan kontra COVID-19.

Ayon sa city government, nitong June 30 ay naitala sa 139,942 individuals, ang bilang ng nakatanggap ng first dose ng bakuna.

Nasa 37,215 naman o 26.6 percent, ang maituturing na fully vaccinated o nabigyan na ng second dose.

Pinakamarami sa nabakunahan ng first dose ay ang persons with comorbidity, na may 63,510 at sinundan ng economic frontliners na may 40,727.

Habang 66.7 percent ng vaccine recipients ay naturukan ng Chinese brand na Sinovac, 17.55 percent ang nakatanggap ng Pfizer, 13.62 percent sa AstraZeneca, at 2.13 percent sa Sputnik V.

Una nang inihayag ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi, na plano nilang tapusin ang pagbabakuna sa mahigit 385,000 target population pagsapit ng November.