Mahigit 25,000 LGUs, nakapag-sumite na ng vaccination plan

Umabot na sa kabuuang 25,305 ang bilang ng mga lokal na pamahalaan sa buong bansa, ang nakapag-sumite na ng kanilang vaccination plan.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Usec. Epimaco Densing, ito’y para masiguro na magiging maayos at mabilis ang pagbabakuna, sa bawat lokalidad sa bansa.

Hinimok din ng DILG ang iba pang lokal na gobyeno, na magsumite na rin ng kanilang vaccination plan, sa gitna ng inaasahang unti-unting pagdami ng mga bakuna sa Pilipinas.

Aminado naman si Usec. Densing na may nararanasang “vaccine envy” sa ilang lugar na hindi pa nabibigyan ng bakuna.

Kaugnay nito ay humingi ng paumanhin si Densing sa mga lokal na pamahalaan, na hindi pa nakatatanggap ng bakuna dahil sa kakulangan ng supply.