Mahigit 20,000 na empleyado ng private schools, posibleng mawalan ng trabaho kung itutuloy ang dagdag buwis

Nakatakdang magpulong ang Committee on Ways and Means kasama ang Department of Finance at Bureau of Internal Revenue upang plantsahin pag-amyenda sa dagdag buwis na ipinapataw sa private schools.

Ayon sa aide memoire na isinumite ni Albay Rep. Joey Salceda, chair ng komite, kung hindi gagawa ng lehislayon para baguhin ang Revenue Regulation 5-2021 ay dagdag na 21,661 na trabaho ang mawawala.

Batay sa regulasyon ng BIR, mula sa 10% ay itinaas sa 25% ang tax rate ng mga private educational institutions na salungat sa Tax Code na inaamyendahan sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Law.

Ang income tax increase na ito ay katumbas ng 5.72% ng compensation income ng mga manggagawa sa pribadong mga paaralan.

Oras naman na mapagtibay ang ipinapanukalang amyenda, maaari nang maka-avail ang mga pribadong paaralan ng 1% income tax rate hanggang 2023 at hindi mapanagot sa regular tax rate na 30% na sinasabi ng BIR na napilitan silang ipatupad dahil sa kautusan ng Supreme Court.

Bunsod nito dagdag na 12,996 na mga guro pa ang maaaring i-hire sa simula ng susunod na school year.

Target ni Salceda na maisabatas ang panukala bago ang simula ng school year 2021-2022 sa Agosto 23.