Mahigit 2 million doses ng Pfizer vaccine, posibleng dumating sa susunod na 2 buwan

Kinumpirma ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. na posibleng dumating na sa bansa sa susunod na dalawang buwan ang milyon-milyong doses ng Pfizer-BioNTech vaccine.

Sa pagbisita ng NTF sa Taguig City para sa symbolic vaccination ng Pfizer, sinabi ni Galvez na maaaring ihatid na sa Hunyo at Hulyo ang 2.2 million doses ng Pfizer mula sa COVAX Facility ng World Health Organization.

Kakayanin na kasi aniyang pangasiwaan ng bansa ang sensitibong bakuna.

Bukod dito, mayroon pang karagdagang 2.2 million doses ng AstraZeneca vaccine na inaasahan ang national government.

Sa kabila nito, nilinaw ni Galvez na mananatili pa ring prayoridad na mabakunahan ang medical frontliners, senior citizens, at persons with comorbidity na mangangailangan ng 25 million doses.

Paliwanag ng opisyal, kailangang maprotektahan ang vulnerable sector upang mapigilan ang transmission ng virus.

Pero dahil sa Hunyo ay may inaasahan pang 10 milyong bakunang darating ay maaaring masimulan na rin ang pagbabakuna sa A4 o essential workers.