Mahigit 1,300 indibidwal, nagsilikas sa 13 barangay sa paligid ng Bulkang Taal

Nasa 1,392 indibidwal o 345 na pamilya ang lumikas na sa paligid ng Bulkang Taal.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal, batay ito sa ulat ngayong alas-5 ng umaga ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) ng Batangas.

Sa bilang na ito, 317 pamilya o 1,282 indibidwal ang nasa 11 evacuation center; habang 28 pamilya o 110 indibidwal ang pansamantalang tumutuloy sa mga kamag-anak sa mas ligtas na lugar.

Ang mga lumikas ay mula sa 13 apektadong barangay sa anim na bayan at syudad sa Batangas.

Ito ay ang Brgy. Poblacion at Brgy. Sinturisan sa San Nicolas, Batangas; Brgy. Gulod, Buso Buso, Bugaan West, Bugaan East sa Laurel; Subic Ilaya, Banyaga, at Bilibinwang sa Agoncillo; Brgy. Apacay sa Taal; Brgy. Luyos at Boot sa Tanauan City; at Brgy. San Sebastian sa Balete.