Mahigit 126,000, nabakunahan na vs. COVID sa Caraga Region


Batay sa pinakahuling ulat ng Department of Health (DOH) Caraga Center for Health Development, 126,006 na indibiwal na ang nabakunahan laban sa COVID-19 sa buong rehiyon, kung saan 16,773 dito ay mula sa Butuan City.

Patuloy ang panawagan ng DOH Caraga sa taong bayan, na magpabakuna kung schedule na ng kanilang kinabibilangang priority group.

Iginiit na importanteng mabakunahan para may proteksyon laban sa COVID-19, lalo na ngayong patuloy pa rin tumataas ang bilang ng mga nahahawahan.

Sa tala ng DOH Caraga nitong June 20, 371 ang mga bagong kumpirmadong kaso, nangunguna na ang Surigao del Sur na may 92 cases; 87 sa Butuan City; habang 53 naman sa Agusan del Sur.

Ang tatlong nabanggit na lugar ay kasalukuyang nakapailalim pa rin sa modified enhanced community quarantine. 

Nasa 19,776 na ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong COVID cases sa rehiyon, habang 3,702 nito ay active cases.