Mahigit 100 menor de edad sa Navotas hinuli dahil sa paglabag sa curfew, iba pang ordinansa

Naalarma ang lokal na pamahalaan ng Navotas sa lumulobong bilang ng mga lumalabag sa iba’t ibang ordinansa kontra COVID-19 kung saan karamihan sa mga lumalabag ay mga menor de edad.

Sa inilabas na datos ng Navotas LGU kagabi, tinatayang 103 ang nahuling menor de edad ng kapulisan at barangay matapos lumabag sa ipinapatupad na curfew sa lungsod.

Nasa 101 naman ang matatandang hinuli dahil sa paglabag sa curfew, 12 ang hinuli dahil sa hindi pagsunod sa physical distancing, habang 127 naman ang hinuli dahil sa hindi o maling pagsusuot ng face mask.

Kaugnay nito ay patuloy na hinihimok ng lokal na pamahalaan ang mga residente, lalo na ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at huwag hayaang lumabas ng bahay upang hindi mahawa ng COVID-19.