Mahigit 100 buhay na tarantula, nasamsam ng Customs-NAIA

Aabot sa 119 na buhay na tarantula ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs-NAIA sa DHL warehouse sa Pasay City.

Batay sa ulat, nadiskubre ang mga gagamba na nakatago sa mga kahon ng rubber shoes.

Idineklara ang parcel na naglalaman ng “buty” o salitang Polish na nangangahulugang sapatos na ipinadala ng isang Michal Krolicki mula sa Poland at naka-consign sa General Trias, Cavite.

Napansin ng Customs operatives at examiners na kaduda-duda ang lumalabas na images sa X-ray kaya agad itong isinailalim sa physical examination.

Iba’t ibang species ng tarantula ang nakasilid sa individual plastic vials.

Nai-turn over na sa Department of Environment and Natural Resources Wildlife Traffic Monitoring Unit ang mga insekto para sa proper handling.

Mababatid na kamakailan lang ay nasamsam din ng mga awtoridad sa Customs-NAIA ang isang buhay na sawa o python na dadalhin sana sa New York, USA.

Photos courtesy of Bureau of Customs