Mahigit 10 sa mga presong pinalaya sa GCTA, sumuko

Mahigit sampu sa halos 2,000 presong pinalaya dahil sa GCTA law ang boluntaryong sumuko sa Philippine National Police (PNP).

Ito ay matapos sabihin ni Justice Secretary Menardo Guevarra kahapon ng umaga na may 10 preso na ang nagpadala ng surrender feelers, kasunod ng pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na aarestuhin ang mga naturang preso kung hindi sila boluntaryong susuko sa loob ng 15 araw.

Unang sumuko noong Miyerkules ng gabi sa Bogo City Police station sa Cebu si Jesus Ranoco Negro Jr., 50 years old, na nakulong sa 8 counts ng murder-frustrated murder noong March 1990 at pinalaya sa GCTA noong August 9, 2019.

Kahapon naman ay sumuko sa Pasay Police station ang isang presong pinalaya noong July 11,2019 mula sa Davao penal Colony na si Nicanor Pido Naz alyas Nick, na nahatulan ng habang buhay na pagkabilanggo dahil sa paggamit ng ilegal na droga.

Bukod dito sinabi ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde na may 9 na rin na sumuko sa iba’t ibang police stations sa Cagayan.

Ayon sa PNP chief, ito ay isang magandang development, at umaasa siya na mas marami pa ang susuko bago matapos ang deadline ng Pangulo.

Sinabi ni Albayalde, na ang mga susukong preso ay isasailalim sa standard police booking procedure bago i-turn over sa Bureau of Corrections (BuCor).