Mahigit ₱50M na halaga ng shabu natagpuan, sa Northern Samar

Inatasan na ni Police Regional Office 8 Director P/BGen. Dionardo Carlos ang lahat ng mga chief of police na galugarin ang mga dalampasigan na nasa ilalim ng kanilang nasasakupan.

Ito ay makaraang isuko ng mangingisdang nakilala na si Eduardo Golodrina ang mahigit pitong kilo ng hinihinalang shabu na nakuha sa bahagi ng dalampasigan sa Sitio Pagul, Brgy. Pio del Pilar sa Bayan ng Biri, Northern Samar nitong Sabado ng hapon.

Nakasilid aniya sa tatlong selyadong bloke ang mga umano’y shabu na may timbang na tig-2 kilo, habang may isa pang nakasilid din sa plastic bag na may timbang na 1.5 kilo at nagkakahalaga ng mahigit ₱50 milyong.

Maliban dito, ipinabatid ni Carlos na may karagdagan pang dalawang bloke ng pinaghihinalaang shabu ang isinuko ulit ni Golodrina dakong alas-9:30 ng gabi nitong ring Sabado, na natagpuan din sa parehong pampang.

Kasalukuyan nang nasa PNP Regional Crime Lab 8 ang mga isinukong pinaghihinalaang shabu upang ito’y isailalim sa kaukulang pagsusuri.

Kasunod nito, binilinan din ni Carlos ang kanyang mga tauhan, lalo na sa lalawigan ng Samar, na paigtingin ang information drive para makatulong sa kanila ang publiko sa pagrekober ng mga droga na maaaring matagpuan sa dalampasigan.