Mahigit ₱40-M halaga ng shabu, narekober ng PDEG sa Makati kagabi

Narekober ng mga tauhan ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-PDEG) ang ₱40.8-milyong pisong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation sa Brgy. Palanan, Makati City kagabi.

Sa naturang operasyon na pinangunahan ng PDEG, kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) National Capital Region, Bureau of Customs, at Customs Intelligence and Investigation Service, dalawang suspek ang naaresto.

Kinilala ni PDEG Director Police Brigadier General Remus Medina ang mga naaresto na sina Bryan Salceda, 26 anyos, at Jerome Gaje, 27 anyos, na kapwa residente ng Pasay City.

Nakuha mula sa mga suspek ang anim na kilo ng shabu.

Nasa kustodiya na ng Special Operations Unit 1 ng PDEG sa Kampo Crame ang mga naarestong drug suspek habang ikinakasa ang kasong paglabag sa RA 9165 laban sa kanila.

Photo courtesy of PNP-PDEG