Magsasaka Partylist, nanawagan ng imbestigasyon sa paglaganap ng ASF, rice cartel

Dalawang magkaibang resolusyon ang inihain ni Magsasaka Partylist Representative Argel Cabatbat para imbestigahan ang ilang isyung kinahaharap ng sektor ng agrikultura.

Sa kanyang House Resolution 336, hiniling ni Cabatbat, na magkaroon ang House Committee on Agriculture and Food ng inquiry hinggil sa mga isinasagawang hakbang ng Department of Agriculture (DA) para hindi na lumaganap pa ang African Swine Fever (ASF).

Ayon sa mambabatas, bagama’t ligtas para sa human consumption ang karne ng baboy kahit tinamaan ito ng ASF, ay maaari namang maging carrier ng virus ang tao.

Samantala, sa House Resolution 332 naman, hiniling din ng kinatawan sa parehong komite na imbestigahan ang paglaganap ng rice cartel at rice smuggling.

Ani Cabatbat, posibleng nasasamantala ng mga rice cartel ang Rice Tariffication Law na nagpapahintulot ng pagpasok ng imported na bigas sa merkado.

Ayon sa kongresista, walang malinaw na panuntunan at monitoring system sa dami ng ipinapasok na imported rice sa bansa at kung tama ba ang taripang binabayaran ng mga ito.