Magsasaka partylist, ikinatuwa ang paglalagay ng DA ng safeguard duties sa imported na bigas

Nagpapasalamat ang Magsasaka partylist sa
naging pahayag ni Agriculture Secretary William Dar na magkakaroon ng pag-aaral upang magkaroon ng karampatang proteksyon ang mga magsasaka laban sa pagdagsa ng imported na bigas sa bansa.

Ayon sa kinatawan ng partido na si Representative Argel Cabatbat, umaasa sila na patuloy na pakikinggan at pahahalagahan ng kagawaran ang sektor ng agrikultura at ating mga magsasaka.

Kung matatandaan, una nang naghain ng resolusyon ang mambabatas na naglalayong magpatawag ng imbestigasyon sa mga naging epekto ng Rice Tariffication Law, at pagrepaso sa batas upang siguruhing nakakatulong ito sa mga magsasaka.

Base sa pahayag ni Sec. Dar, magpapatupad sila ng general safeguards duty sa rice imports bilang pansamantalang solusyon kapag hindi nakontrol o sumobra ang kabuuang bilang ng inaangkat na bigas sa ibang bansa.