Maglabas ng ebidensiya kaugnay ng umano’y “tara” system sa loob ng NFA, Palasyo kay Sen. Hontiveros

Hinamon ng Malacañang si Sen. Risa Hontiveros, na maglabas ng katibayan sa ibinunyag nitong umano’y “tara” system sa loob ng National Food Authority (NFA) dahilan upang lumala ang problema sa usapin ng bigas sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sana lang ay  mayroong hawak na matibay na ebidensiya si Hontiveros at ang ginawa nitong pagbubunyag ay hindi lamang dahil sa ngalan ng “political grandstanding”.

Pero kung siya aniya ang tatanungin, sinabi ni Roque na hindi siya kumbinsido sa pagbubunyag ng senador na kilala niya na mahilig lamang magpasikat.

Magugunitang sa isang privilege speech sa Senado, ibinunyag ni Hontiveros na aabot sa P2 bilyon ang nakukulimbat na “tara” rice imports kung saan nakinabang umano dito si NFA Administrator Jason Aquino.

Pumapalo umano sa P100-P150 ang “tara” na pinapatong sa kada bag ng mga inaangkat na bigas na pinagkakakitaan umano ng NFA administrator.

Kamakalawa ay matatandaang sinabi ni Roque, na handa siyang magsagawa ng inisyatibong magsampa ng kaso kay Aquino kung walang maghahain dito ng asunto, dahil sa aniya’y pag-divert nito ng mahigit sa P5-bilyong pondo na pambili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka. | ulat ni Alvin Baltazar