Magkapatid na sinasabing tulak ng droga, arestoado ng NBI

Nahaharap sa patung-patong na mga kaso ang magkapatid na sinasabing tulak ng droga, gayundin sa ilegal o hindi otorisadong pagbenta ng gasolina.

Nakatanggap kasi ng intelligence report ang National Bureau of Investigation (NBI), na sangkot ang magkapatid sa ilegal na pagbebenta ng gasolina at droga, kaya ikinasa ang raid sa Barangay Poro, San Fernando City, La Union.

Bitbit ang search warrant, sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng NBI, PDEA La Union Provincial Office, at ng PNP Regional Drug Enforcement Unit, ang bahay at doon naaresto sina Ronaldo at Ricky Mamaril, na nakumpiskahan ng illegal drugs at drug paraphernalias pati na rin ang anim na drum, at apat na malalaking plastic containers na pinaglagyan ng gasolina.

Ang dalawang akusado ay sinampahan na ng mga kasong paglabag sa Batas Pambansa 33 o paglabag sa Public Interest and National Security Involving Petroleum Products.