Magkakapatid na pulis na umano’y nanugod sa sibilyan sa viral video, pina-relieve ni PNP Chief

Pina-relieve ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Director General Oscar Albayalde ang 3 magkakapatid na pulis na, umano’y nanugod sa isang sibilyan na nakunan sa video na nag-viral sa social media.

Ang tatlong pulis sa video ay kinilalang sina PO3 Ralph Soriano ng Northern Police District;
 PO1 Rendel Soriano ng Caloocan Police; at
 PO1 Reniel Soriano ng Drug Enforcement Group.

Nakunan sa video ang mga pulis na nasa harapan ng isang bahay, na nakikipagdiskusyunan sa mga kamag-anak ng taong hinahanap nila.

Nagtungo umano ang mga pulis sa naturang bahay matapos nilang makagitgitan sa kalye ang taong hinahanap nila.

Bagamat mahinahon naman ang pakikipagusap ng mga pulis sa video, mapapansin ang umbok ng baril sa kanilang baywang sa ilalim ng kanilang kasuotang sibilyan.

Magugunitang, kasalukuyang umiiral ang nationwide gun-ban, kaugnay ng darating na Barangay at Sangguniang Kabataan elections, kung saan kanselado ang lahat ng permit to carry firearms outside of residence o PTCFOR.

Tanging mga unipormadong pulis at sundalo at mga awtorisadong ahente ng gobyerno ang may pahintulot na magdala ng armas sa labas ng  tahanan. | via Leo Sarne