Magkaibang brand ng bakuna na ibibigay sa isang tao, may epekto ayon sa isang vaccine expert

May taglay na epekto ang magkaibang brand ng bakuna kontra COVID-19 na ibibigay sa isang tao. Ayon kay Dr. Nina Gloriani, head ng Philippines’ vaccine expert panel, maaaring makaramdam ng mild at moderate effect ang mga taong mababakunahan ng magkaibang brand para sa kanyang una at ikalawang dose ng COVID-19 vaccine.

Sinabi ni Gloriani, ayon sa pag-aaral sa United Kingdom, sa 830 adult volunteers na nabakunahan ng AstraZeneca sa unang dose at Pfizer sa ikalawang dose ay nagkaroon ng epekto sa katawan ng tao.

Nakaramdam umano ng pananakit ng ulo, muscle pain o pananakit ng katawan ang mga tumanggap ng magkaibang brand ng bakuna.

Samantala, iba naman ang resulta sa hiwalay na pag-aaral mula sa Espanya na nagbakuna ng AstraZeneca at Pfizer ay nag-neutralize ang antibodies.

Ang Pilipinas ay nakatakdang magsagawa ng sariling pag-aaral sa paggamit ng magkaibang brand ng bakuna na ibibigay sa susunod na buwan.

Mayroong 1,200 Pinoy ang babakunahan ng Sinovac sa unang dose at ibang brand sa ikalawang dose ng COVID-19 vaccine.

Gayunman, sinabi ni Gloriani na dapat maisapinal ng husto ang bagay na ito bago maisagawa ang planong paghalo ng bakuna kontra COVID-19.