Magiging papel ng mga sundalong itatalaga sa BOC na nais mangyari ng Pangulo, ipinauubaya na ng Palasyo kay incoming Customs Chief Guerrero

Ipinauubaya na ng Malacañang kay incoming Bureau of Customs (BOC) Chief retired General Leonardo Guerrero kung paano nito ipatutupad ang direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang BOC sa tulong ng military.

Sa press briefing sa Palasyo, inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na nasa assessment o pagtaya na ni Guerrero kung paano patatakbuhin ang Bureau gamit ang mga kawal na ide-deploy doon o “gawin kung ano ang nararapat gawin sa Customs.”

May ‘blanket authority’ aniya ito mula mismo sa Presidente ng Republika kaya’t bahala na ang incoming BOC chief kung ano ang polisiya at mga operational procedures na ipatutupad nito at ipagagawa sa mga itatalagang sundalo sa ahensiya.

Naniniwala naman si Panelo na presensiya pa lang ng mga sundalo sa Customs ay may epekto na ito sa mga kawani ng BOC gayung tiyak na mamamatyagan nito ang galaw ng mga empleyado sa naturang tanggapan.  | ulat ni Alvin Baltazar