Magandang transition, pinatitiyak ni Sec. Andanar kapag natuloy ang pagbabalik ng OPS

Ngayon pa lang ay dapat ng matiyak na may ginagawa ng “ground work” upang masigurong magkakaruon ng magandang transition ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa oras na matuloy ang pagbabalik nito sa Office of the Press Secretary (OPS).

Ito ang sinabi ni PCOO Secretary Martin Andanar, habang hinihintay pa rin ang anomang development kaugnay dito.

Sa ngayon sabi ni Andanar, ay nagpapatuloy ang paghahanda ng mga evaluators para sa posibilidad ng pag-iisyu ng Executive Order na inaasahang lalagdaan ng Pangulong Duterte.

Habang naghihintay ng final development tungkol dito, tiniyak ng kalihim na tuloy lang ang pagtatrabaho niya para sa PCOO sa layuning mapanatili ang maayos na ugnayan sa media organizations, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Iginiit din ni Andanar na kung sakali mang maibalik na ang OPS, mahalagang maikunsiderang magkaroon ng “press attache” sa lahat ng partner na bansa ng Pilipinas, na una na niyang ipinanukala noong nagsisimula pa lamang ang Duterte administration. | ulat ni Alvin Baltazar