Magandang performance at ligtas na operasyon ng kanilang tren, ginagarantiya ng Dalian Co. Ltd.

Tiwala ang kumpanyang CRRC Dalian Company Limited na siyang nagbenta ng China made trains sa Pilipinas na papasa ito sa weight testing na isinagawa ngayon ng independent audit and assessment (IAA) firm na TUV Rheinland sa depot ng Metro Rail Transit Line-3 (MRT-3) sa Quezon City.

Ang pahayag ay ginawa ni Li Depu, ang general manager of overseas business ng Dalian sa rebelasyon ng TUV auditors na wala umanong kinatawan ang gobyerno nang gawin ng kumpanya ang pagtimbang sa tren noon sa Tsina.

Garantiya pa nito ang magandang performance at ligtas na operasyon ng kanilang tren kaakibat aniya ang pag-asang mapapabuti pa nito ang serbisyo ng MRT-3 sa publiko.

Binigyang diin ni Transportation Undersecretary for Rails TJ Batan na isang bahagi lamang ang naturang testing sa mahabang proseso ng pag-determina kung mapapakinabangan pa ang 48 Dalian coaches na binili noong nakaraang administrasyon sa halagang P3.8-B.

Inaasahan na sa susunod na linggo matatapos na ang report ng TUV Rheinland at posibleng sa ikalawang linggo ng Mayo ilalabas ng DOTr ang nilalaman nito.

Sinasabing ‘overweight’ ang mga bagon ng Dalian kaya’t hindi magamit sa kasalukuyang kondisyon ng MRT-3 at sakaling hindi pumasa sa criteria ayon kay Usec. Batan walang ibang opsiyon ang gobyerno kundi isauli ito sa China.

Gayunpaman hindi magiging madali para sa MRT-3 na agad isabak sa operasyon ang made in China trains kung kabaligtaran ang resulta dahil kailangan pa ring i-upgrade ang pasilidad ng train line gaya ng kanilang power supply. | via Shane Juan