Mag-inang scammer, dinampot ng NBI sa Manila

Arestado ang dalawang indibidwal ng mga ahente ng National Bureau of Investigation National Capital Region (NBI-NCR), sa entrapment operation dahil sa kasong  robbery extortion sa Sta. Mesa, Manila.

Kinilala sila na si Jingky Joy Sena at kanyang ina na si Maricar Sena.

Ayon kay NBI Director Eric Distor, nagreklamo ang biktima sa NBI-Sarangani District Office (NBI-SARDO).

Ayon sa biktima, hinack ni Jingky ang kanyang Facebook account at pinalitan ang kanyang password.

Kasunod nito, nagpadala ng ilang sex videos ang biktima sa pamamagitan ng kanyang FB account sa kanyang mga kaibigan.

Hiningan din siya ng pera, para tigilan na ang pagpapadala ng  sex videos ng biktima sa ibang tao.

Dahil sa takot ng biktima sa mag-ina, nagpadala ito  ng pera sa pamamagitan bg Palawan Express sa Manila. 

Dahil sa Manila nakatira ang mag-ina ay pinayuhan ng NBI-SARDO ang biktima, na maghain ng reklamo sa NBI-NCR.

Kasunod nito, nakipag-ugnayan ang NBI-NCR sa tamang ahensya para sa entrapment operation.

Naaresto ang mag-ina habang kini-claim ni Maricar ang pera sa Palawan Express Pureza Branch, Sta. Mesa, Manila, na nagkakahalaga ng P1,500 at P500 na ipinadala mula sa Palawan Express Gen. Santos City Branch. 

Matapos maaresto si Maricar, itinuro nito ang kinaroroonan ng kanyang anak na si Jingky kung saan naman ito naaresto.

Mahaharap sa kasong robbery extortion na may kaugnayan sa  Republic Act 10175 o  Cyber Crime Prevention Act of 2012, at paglabag sa Republic Act 9995 o “Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009” ang mag-inang suspek.