Madam Honeylet Avanceña, naglabas ng larawan nila ng Pangulo at Kitty

Matapos ang isang linggong hindi nakita ng publiko si Pangulong Rodrigo Duterte sa anomang public engagement, naglabas naman ng larawan ang kanyang common law wife na si Madam Honeylet Avanceña, na kung saan magkakasama silang tatlo ng kanilang anak na si Veronica sa kanilang bahay sa Davao City.

Sa post ni Madam Honeylet sa Facebook, ay nakitang magkakasama silang tatlo ng Pangulo at anak sa loob ng kanilang tahanan.

Batay sa FB post, kuha ang larawan matapos na manggaling si Kitty sa isang debut ayon na rin sa partner ni Pangulong Duterte.

Ang litrato ay kuha Linggo ng gabi pasado alas-11.

Matatandaang kamakailan ay natanong na si Presidential Spokesperson Salvador Panelo tungkol sa hindi pagpapakita ng Presidente sa publiko sa mga nakalipas na araw.

Tugon naman ng tagapagsalita ng Pangulo, abala lamang ang Presidente sa pagbabasa ng maraming dokumentong kailangan nitong lagdaan habang busy rin ito sa mga private meeting at courtesy call.