Mabilis na restorasyon ng kuryente sa mga lugar na sinalanta ni Rosita, inaasahan ng NDRRMC

Hindi magtatagal bago maibalik ang kuryente sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Rosita.

Ito ang sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Undersecretary Ricardo Jalad, kasabay ng pag-uulat na walang nasirang major transmission facilities ng kuryente sa bagyong Rosita.

Hindi katulad ng nangyari sa bagyong Ompong na natumba ang transmission towers ng National Grid Corporation kaya natagalan ang pagbabalik ng suplay ng kuryente.

Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang pagbabalik ng suplay ng kuryente partikular na doon sa labis na sinalanta ng bagyo.

Samantala, nagsimula na rin umanong magsibalikan sa kanilang mga tahanan ang mga residente na lumikas bago pa man ang pananalasa ng bagyong Rosita.  | ulat ni Leo Sarne