Mabilis na pagpigil sa pagbiyahe sa mga menor de edad nila Ocampo, pinuri ng NCIP

Pinuri ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang national at local authorities sa mabilis na pag-aksyon at pagsisikap na mapigilan ang pag-transport ng 14 na menor de edad na mag-aaral ng lumad school ng Talaingod, Davao del Norte noong hating gabi ng Nobyembre 28.

Sa opisyal na pahayag na inilabas ng NCIP sa pamamagitan ng mga commissioner at chairperson ng ahensya, kanilang ipinaabot ang mariing pagkondena sa ginawa ng grupo ng dating Bayan Muna Representative Saturnino Ocampo at ACT Teachers Partylist Representative France Castro, na pagbiyahe sa mga kabataan nang walang paalam sa kanilang mga magulang, at ang pagbalewala sa karapatan ng Ata-Manobo Indigenous Cultural Communities ng Talaingod, Davao del Norte sa kanilang free and prior informed consent.

Kinondena ng mga matataas na opisyal ng NCIP ang ano mang aktibidad ng kahit anong grupo na nananamantala sa mga Lumad para sa kanilang pansariling agenda.

Ipinaabot rin ng NCIP ang kanilang pagsuporta sa mga lider ng Indigenous People at mga elder ng Talaingod, dahil sa ipinakitang katapangan ng mga ito upang ipaglaban ang kanilang karapatan lalo na para sa mga kabataang IPs.

Kasabay nito, nananawagan rin ang ahensiya sa publiko na pakinggan ang tinig ng mga Lumad, igalang ang kanilang right to self- determination, respetuhin ang kanilang karapatan sa free and prior informed consent (FPIC), ganundin ang paggalang sa kanilang customary laws, at indigenous political structures sa loob ng ancestral domains ng mga ito. | ulat ni Ruth Dumandan – DXRP Radyo Pilipinas Davao