Mabilis na paghahatid ng langis sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette, ipinanawagan ng DOE

Nanawagan si Energy Secretary Alfonso Cusi sa oil companies na gawing prayoridad ang mga hakbang para sa mabilis na pagbangon ng mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette.

Batay sa inilabas na memorandum ng Department of Energy, hinimok nito ang mga kumpanya ng langis na pagtuunan ng pansin ang assessment sa pinsala sa oil facilities at pabilisin ang rehabilitation efforts upang agad maihatid ang petrolyo sa mga apektadong lugar.

Kabilang dito ang Siargao Island, Cebu, Bohol, Butuan City, Jose Panganiban sa Camarines Norte, Guimaras at Negros Occidental at Oriental.

Gayundin ay pinatututukan ni Cusi na mabigyan ng suplay ang vaccine storage facilities, power-related facilities, power restoration, food transport, ospital, mga ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa rescue, relief at rehabilitation operations at communications services.

Bukod dito, nais ng kalihim na hayaan ang mga may-ari na makipagnegosasyon sa dealers at bumuo ng sistema para sa epektibong pag-dispatch gaya ng pagtatalaga ng priority lane.

Samantala, dapat umanong iwasan ang implementasyon ng volume quota sa consumers sa mga apektadong lugar at pagpapataw ng mas mataas na presyo ng langis para samantalahin ang sitwasyon.