Mabilis na aksyon ng gobyerno sa mga nakakaranas ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, pinanawagan

Umapela si Senador Grace Poe sa Inter-Agency Task Force (IATF) na aksyunan na agad ang panawagan ng probinsya ng Iloilo at iba pang mga high risk local governments na dagdagan ang kanilang pondo sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Ito ay kasunod na rin ng pagdami ng bilang ng COVID-19 patients sa ilang mga probinsya na hindi na kinakayang tugunan ng kanilang mga healthcare system.

Giit ni Poe, dapat ring iprayoridad sa bakunahan kontra COVID-19 ang mga lugar sa labas ng Metro Manila na itinuturing rin na hotspots upang maiwasan ang pagkalat ng naturang sakit sa iba pang mga probinsya sa bansa.

Pinunto ng senador na sa ilang lugar na nakakaranas ngayon ng COVID-19 spike ay kinukulang na sa mga medical personnel, mga kwarto sa ospital at mga equipment para lang matugunan ang dumadaming mga pasyente.

Sa kaso naman ng Iloilo, nanghihingi na ng saklolo ang Iloilo Medical Society ng dagdag na mga gamot, bakuna at medical frontliners mula sa national government dahil na rin delay ng reimbursement mula sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).

Binigyang diin ng mambabatas na umabot na sa nakakaalarmang lebel ang pagtaas ng COVID-19 cases sa mga probinsya kaya dapat aksyunan na ito agad ng pamahalaan.