Mabilis na aksyon ng NPD sa pagrekober ng nakaw na motorsiklo, pinuri ni PNP Chief

Pinuri ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang mabilis na aksyon ng Northern Police District Anti-Carnapping Unit (NPD-ACU) sa pamumuno ni Police Major Jessie Misal na nagresulta sa pagkakarekober ng nakaw na motor at pag-aresto ng dalawang suspek.

Ayon kay Eleazar, nalutas ang kaso ng pagnanakaw ng motor sa araw din na nagsumbong ang complainant sa mga pulis.

Ni-report ng complainant na ninakaw ang kanyang motor sa Champaca Extension Area B, Brgy. 174, Camarin, Caloocan City kahapon ng umaga.

Sa isinagawang follow up operation ng mga pulis, naaresto kahapon ng alas-2 hapon ang unang suspek na kinilalang si Emil Ramirez, 25-taong gulang.

Itinuro ng unang suspek ang kanyang pinagdalhan ng ninakaw na motorsiklo, kung saan naaresto ang pangalawang suspek na si Alvin Lorenzana habang binabaklas ang motor.

Narekober sa mga suspek ang isang itim na Yamaha Mio Sporty 40C9, model 2018, isang Yamaha Mio MXI 125, isang Yamaha Mio Sporty, isanb RUSI 125, isang Motorstar, at samu’t saring piyesa ng motorsiklo.

Magugunitang binilinan ng PNP chief ang mga Police commanders na ituring ang anumang sumbong ng mga mamayan bilang direktang utos mula sa kaniya para umaksyon.