Maayos na koordinasyon sa pagitan ng DOTr at Bulacan provincial gov’t sa railway projects, hiniling ni DOTr Sec. Tudade

Hiniling na ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa provincial and local officials ng Bulacan ang maayos at episyente na implementasyon ng railway projects sa lalawigan.

Sa kanyang pakikipagpulong, tiniyak naman sa kanya ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang kanilang pakikipagtulungan para mapabilis ang mga proyekto.

Tiniyak pa ni Secretary Tugade sa provincial officials na ang ongoing projects ng gobyerno ay magtutuloy-tuloy na hanggang sa matapos.

Makakaasa umano sila na hindi “drawing” ang railway project, kundi isa nang makatotohanan para sa mas maginhawang pamumuhay ng mga mamamayan ng Bulacan.

Ang proyekto sa Bulacan ay nakatuon sa dalawang railway projects, ang PNR Clark Phase 1 at PNR Clark Phase 2, na bahagi ng 147-kilometer North-South Commuter Railway (NSCR) project.

Ang PNR Clark Phase 1, ay ang rail line mula Tutuban sa Manila hanggang Malolos, Bulacan na nasimulan na ng dalawa hanggang tatlongĀ  buwan bago ang construction schedule.

Dagdag pa ni Secretary Tugade na 24/7 na ang construction works na ipinatutupad dito mula pa noong July para habulin na magkaroon ng partial operability sa ikaapat na quarter sa 2021.

Nagkaroon na rin ng bidding para sa PNR Clark Phase 2, na tatakbo mula Malolos hanggang Clark na nilahukan ng siyam na international at dalawang local companies.