Luzon grid, balik na sa normal ayon sa NGCP

Inalis na ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang ‘yellow alert’ status sa Luzon grid.

Ayon sa NGCP, ganap na alas-2:56 ng hapon naibalik sa normal ang Luzon grid dahil sapat na ang generating capacity ng mga planta.

Sa isang abiso, nagdeklara ang ahensya ng ‘yellow alert’ epektibo ala-1:00 ng hapon bunsod ng limitadong energy capacity na 11,637 megawatts (MW) habang nasa 10,794 MW ang inaasahang peak demand kanina.

Ito ay dahil sa hindi inaasahang shutdown ng mga power plant at high power demand kaya’t naging manipis ang reserba ng kuryente sa Luzon.

Sa kondisyong ito, may posibilidad na makaranas ng ‘brownout’ o mawalan ng suplay ng kuryente ang ilang lugar kung hindi agad maibabalik sa normal ang grid system. | ulat ni Shane Juan