Lumutang na balitang pagsibak kay DOJ Sec Aguirre, natuldukan na matapos na hindi naman napag-usapan kagabi sa Cabinet meeting

Mistulang natuldukan na ang una ng napabalitang gagawing pagsibak kay Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa mga impormasyong ipinadala ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque kaugnay ng isinagawang Cabinet meeting kagabi, wala naman itong naipadalang mensahe tungkol sa isyu ng umano’y sibakan sa hanay ng miyembro ng gabinete partikular na kay Aguirre.

Isyu sa Boracay, pagbabalik sa peace negotiating table, Pasig River ferry at iba pa ang natalakay sa ginanap na pulong kagabi, pero walang agenda sa isyu ng sibakan o rigodon sa hanay ng mga miyembro ng gabinete.

Pinagtibay pa ng larawang kuha ng Pangulo at ni Aguirre na tila nagsasabing walang problema sa kanilang dalawa kasunod ng napabalitang sisibakin ang DOJ secretary dahil sa isyu ng kapalpakan.

Bago nga ang Cabinet meeting kagabi ay nagpahayag ang Malacañang na hindi nawawala ang kumpiyansa ng Pangulo kay Aguirre bagama’t may hindi magagandang naging development sa mga hinawakang kaso ng DOJ. | via Alvin Baltazar