Lumubog na submarine ng Indonesia, di dapat maging hadlang sa pagbili ng submarine ng PH Navy

Naniniwala si Surigao del Sur Representative Johnny Pimentel, na dapat ituloy ng Philippine Navy ang plano nitong pagbili ng tatlong Scorpene-class submarines ng France.

Ayon kay Pimentel, hindi dapat magdalawang-isip ang Phil. Navy sa pagbili ng naturang submarine, dahil lang sa nangyaring paglubog ng isang Indonesian submarine kamakailan.

Paliwanag ng Chairperson ng Strategic Intelligence Committee, ang naaksidenteng Indonesian submarine kung saan 53 ang nasawi, ay 42 taon na at ilang beses na ring na-refurbished.

Oras na matuloy ang pagbili sa attack submarines, ay makakatulong aniya ito para maprotektahan ang ating maritime domain sa West Philippine Sea.

Mas makakapagsagawa na aniya kasi ng intelligence, surveillance at reconnaissance operations ang bansa, laban sa mga pumapasok na Chinese Maritime Militia vessels.

Bukod dito, napapaligiran ng tubig ang Pilipinas, kaya nararapat lang na maging bahagi ng defensive combat ships ang pagkakaroon ng submarine.