Lugar na makapagtatala ng surge at isasailalim sa lockdown, makakaboto pa rin sa eleksyon

Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga mambabatas, na makakaboto pa rin ang mga lugar na makapagtatala ng surge at isasailalim sa lockdown.

Sa briefing ng poll body sa House Committee on Suffrage and Electoral Reform, nilinaw sa mga kongresista na hindi magkakaroon ng “failure of election” sa mga lugar na naka lockdown dahil sa mataas na kaso ng COVID-19.

Nakikipag-ugnayan ang COMELEC sa Inter Agency Task Force (IATF) kung paano makapagsasagawa pa rin ng botohan sa lockdown area, kung saan magpapatupad ng mas mahigpit na health safety protocol.

Kung hindi man, hindi iniaalis ng poll body na magkaroon ng special election sa naturang lugar.

Ayon naman kay Comelec Director for Operations Teopisto Elnas, posibleng ipatupad din nila sa 2022 National Elections ang ginawang safety measures noong plebesito sa Palawan.

Kabilang dito ang pag modify sa polling precinct o classroom, pagtatalaga ng qeue marshalls, at pagkakaroon ng isolation area sakaling may sintomas ng COVID ang botante.