LTFRB, Registry of Deeds, inireklamo sa CSC dahil sa paglabag sa Anti Red Tape Law

Sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 ang tatlong matataas na opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Mismong ang pinuno ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na si Director General Jeremiah Belgica, ang nagsampa ng reklamo sa tanggapan ng Civil Service Commission (CSC).

Kabilang sa inireklamo ang head ng LTFRB Technical Division na si Joel de Jesus Bolaño, Legal Department Head Atty. Samuel Jardin at ang chief ng Finance Division na si Benita de Guzman.

Naging basehan sa reklamo ang umano ay mabagal na proseso ng LTFRB sa aplikasyon para makapaglabas ng prangkisa sa transport network vehicle service (TNVS).

Bukod sa tatlong mga opisyales ng LTFRB, kasama rin sa inireklamo ang isang kahera ng Registry of Deeds sa Davao na si Loleta Taleon, matapos na masaksihan mismo ni Belgica na nag-‘lunch break’ ito at iniwan ang mahabang pila ng mga aplikante.

Ito na ang kauna-unahang kasong isinampa ng ARTA simula ng mabuo ang implementing rules and regulation (IRR) ng RA 11032 noong Agosto para habulin at panagutin ang mga tanggapan ng gobyerno na pabaya sa kanilang trabaho.