LTFRB, nagbabala sa mga parusang kakaharapin ng mga tsuper na tatangging magbigay ng diskwento sa mga estudyante

Nagbabala ngayon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan kaugnay ng parusa sa pagtanggi sa pagbibigay ng 20% student fare discount ngayong umpisa na ang panahon ng klase.

Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, hindi sila magdadalawang isip na patawan ng multa ang isang drayber na irereklamo sa kanilang tanggapan.

Aniya, alinsunod sa umiiral na batas pagmumultahin ang violator ng P5,000 para sa first offense, P10,000 at tatlumpung araw na impounding para sa 2nd offense at posible namang magmulta ng hanggang P15,000 at kanselasyon pa ng prangkisa sa ikatlong beses na paglabag sa pagbibigay ng diskwento.

Una dito, kahapon (June 3) pa nagpaalala ang pamunuan ng regulatory agency sa lahat ng tsuper ng public utility vehicles (PUVs) na magbigay ng karapat-dapat na discount sa pasahe sa mga estudyante mapa-weekdays man, weekends o holiday. | ulat ni Shane Juan