LTFRB, hinimok na magsagawa na ng sariling imbestigasyon sa mga reklamo vs Grab drivers

Kasunod ng dumaraming reklamo ng commuters laban sa mga grab driver ay hinimok ni Kabayan Partylist Rep. Ciriaco Calalang ang Land Transportatiob Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na kusang kumilos at magsagawa ng sarili nitong imbestigasyon sa naturang transport network company.

Katwiran ng mambabatas, hindi dapat na nakabase lang sa reklamo ang LTFRB dahil batid na dapat nito ang hinaing ngayon ng mga mananakay, partikular na sa umano’y pamimili na ng pasahero ng grab drivers at paniningil ng mas mataas na pasahe.

Sa mga reklamong ito, para na nga aniyang kumikilos na isang monopolyo ang Grab, bagay na hindi dapat binabalewala lang ng pamahalaan.

Para kay Calalang, kailangang mas maging mahigpit pa ang LTFRB pagdating sa mga regulasyon sa Grab nang hindi ito umabuso sa mga commuter. | via Merry Ann Bastasa