LTFRB, binalaan ang mga driver na hindi gagamit nang tama sa kanilang fuel vouchers

Tuluy-tuloy pa rin ang pamamahagi ng gobyerno ng P5,000 fuel vouchers sa mga operator ng jeep upang magsilbing ayuda sa tumataas na presyo ng produktong petrolyo.

Sa kabila ng malinaw na layunin ng ayudang ito sa ilalim ng Pantawid Pamilya Program ng gobyerno ay aminado si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chair Martin Delgra III na may ilang mga naitatala silang paglabag sa paggamit ng fuel vouchers.

Kabilang na dito ang aniya ay pag-withdraw ng mga tsuper ng cash mula sa Land Bank ATM gamit ang fuel voucher card at paggamit nito sa ibang paraan.

Babala ni Chairperson Delgra sa mga pasaway na tsuper, regular na nagbibigay ng report ang Land Bank kaugnay sa transaksyon o withdrawal ng mga fuel voucher card holders.

Kaya kung ginamit nila ang card sa pag-withdraw ng cash, irereport ito ng Land Bank sa LTFRB at kailangan nilang patunayang ginamit ang pera sa fuel purchase.

Kung mabibigo umano ang tsuper o operator na makapagpakita ng patunay na ginamit ito sa fuel purchases, magkakaroon sila ng problema lalo na at gagawing dalawampung libong piso na ang fuel subsidy o assistance sa susunod na taon. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion