LRT2 fine-tuning, pipiliting makumpleto ngayong araw ng LRTA

Tinatapos na ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang fine tuning sa mga tren ng LRT2 upang agad na mabuksan ang partial operations nito bukas, October 8 na babiyahe mula Recto hanggang Cubao station.

Sa panayam kay LRTA Spokesperson Hernando Cabrera, may ilang technical issues pa rin sa tren na tinutugunan ang ahensya partikular sa telecommunications at power supply.

PANOORIN | Fine-tuning at simultation runs sa LRT2, pipiliting makumpleto ngayong araw ng LRTA; Partial operations sa naturang tren na babiyahe mula recto hanggang cubao station, target simulan bukas, Oct. 8. | via Merry Ann Bastasa

Posted by Radyo Pilipinas on Sunday, 6 October 2019

Tuluy-tuloy rin umano ang ginagawang simulation runs bilang adjustment sa operational procedure ng LRT2.

Ipinunto ni Cabrera, na mahalagang masiguro muna ang ligtas na takbo ng mga tren upang hindi makompromiso ang mga pasahero nito.

Patuloy namang humihingi ng dispensa ang LRTA sa mga apektadong pasahero at tiniyak na aasistehan sa tulong ng mga bus at PUVs na binigyan ng special permit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Karamihan sa mga ito ang bibyahe mula Santolan hanggang Cubao, habang mayroon namang sampung point to point PUVs na bibiyahe mula sa Santolan hanggang sa bahagi ng Legarda, Maynila.

As of 8am, umakyat na rin sa 838 ang bilang ng mga pasaherong nabigyan na ng libreng sakay mula sa MMDA at Philippine Coast Guard.