Lorenzana, handang ipagtanggol sa Korte Suprema ang martial law extension sa Mindanao

Nakahanda si Defense Secretary Delfin Lorenzana na ipagtanggol sa Korte Suprema ang pangatlong extension ng martial law sa Mindanao.

Ito ang sinabi ng kalihim matapos na maghain ang Makabayan Bloc sa Korte Suprema ng petisyon para ideklara bilang unconstitutional ang pinakahuling isang taong Extension ng martial law.

Giit ng grupo, walang “factual basis” ang naturang extension, dahil wala anilang nagaganap na aktuwal na pag-aaklas sa Mindanao.

Buwelta ng kalihim, patutunayan ng pamahalaan na may lehitimong dahilan para sa pagpapatuloy ng martial law sa Mindanao.

Dagdag ng kalihim, tutulong ang solicitor general sa pagpapaliwanag ng posisyon ng pamahalaan sa Korte Suprema.

Itinakda ng Korte ang oral arguments sa nasabing petisyon sa January 22 at 23.  | ulat ni Leo Sarne