Localized peace talks, magbebenepisyo sa pagka-aresto kay NDF consultant Vicente Ladlad

Makakatulong sa pagsulong ng localized peace talks ang pagkakaaresto kahapon sa communist terrorist leader at dating National Democratic Front (NDF) consultant na si Vicente Ladlad.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde, ipinapakita lang ng pagkakahuli kay Ladlad sa kasong illegal possesion of firearms na hindi sinsero ang mga komunista sa kanilang pakikipag-usap sa pamahalaan.

Aniya, habang inihahayag ng mga komunista ang kanilang pagnanais na ituloy ang naudlot na peace talks ay nag-iimbak ang mga ito ng armas para ipang-laban sa pamahalaan.

Umaasa si Albayalde na magiging leksyon ito sa mga iba pang local communist leaders na sawa na sa pakikipaglaban, na magbalik-loob na sa pamahalaan at isuko ang kanilang mga armas upang hindi matulad kay Ladlad.

Magugunitang naaresto si Ladlad kahapon sa Novaliches, Quezon City sa bisa ng isang search warrant mula sa korte kung saan, nakuha mula sa kanya ang mga matataas na kalibre ng armas at mga granada. | ulat ni Leo Sarne