Local Govt ng Isabela, tumutulong na din sa NFA sa pagbili ng palay sa mga magsasaka

Aabot sa 11,660 bags ng palay ang nabili na ng Provincial Government ng Isabela sa mga local farmers para sa National Food Authority (NFA).

Ayon kay NFA Administrator Jason Aquino ang pagbili ng palay ay ginawa sa ilalim ng Bojie-Rodito Opportunities-Ayuda sa Presyo, Pantawid Pamasahe Program (BRO-ASAP/PPP) ng pamahalaang lokal.

Bukod sa makakatulong ito sa NFA sa procurement ng palay, makapagbibigay din ito ng benepisyo sa maliliit na magsasaka.

Binibili ang malinis at tuyong palay sa halagang P21.90 kada kilo dahil sa dagdag na price premium na P4.50 kada kilo.

Sinabi ni Aquino, ang normal na NFA buying price ay nasa P17.40 lamang.

Ang Isabela Province ay isa sa pinakamalaking rice producing provinces sa bansa pero hindi basta nakakabili ang NFA sa mga magsasaka sa kasalukuyang buying price nito ng walang karagdagang premium. | ulat ni Rey Ferrer