Loan Restructuring Program ng SSS muling pinalawig

Muli na namang mabibigyan ng mahabang panahon ang mga miyembro na may mga loan sa Social Secuirty System (SSS) na matagal nang hindi nababayaran, kasunod ng atas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa SSS na muling palawigin ang Loan Restructuring Progam o LRP ng ahensiya hanggang April 1, 2019.

Sinabi ni Greta Quayle, tagapagsalita ng SSS-Davao, layon ng extension na mas marami pa ang makinabang sa programang ito.

Sa tala ng SSS Davao nasa 40 porsiyento lamang ang nakakuha sa unang extension ng LRP.

Kaya naman umaasa si Quayle na sa ikalawang pagkakataon, aabot na sa 60% o mahigit sa isang daang loan borrowers ang magbabayad ng kanilang mga utang.

Magugunitang natapos ang unang extension ng LRP noong October 31, 2018, para sa mga loan mula sa educational loan, salary loan at Y2K loan.

Aniya, yaong mabibigong makapasok sa LRP ay hindi maaaring mag-loan sa SSS hangga’t hindi nila nababayaran ang kanilang outstanding loan.

Sa ilalim ng LRP, tinatanggal na ng SSS ang penalty at maaaring bayaran ng loan borrowers ang kanilang utang sa loob ng isang taon hanggang limang taon.

Ayon pa kay Quayle, muling magpapatupad ng LRP ang kanilang ahensiya makalipas pa ang lima hanggang pitong taon.

Karamihan pa naman aniya, ng loan borrowers ay malapit nang mag-retiro. | ulat ni Dang Sabdani – Radyo Pilipinas Davao