Live-in-partner ni Ardot Parojinog, inaresto ng PNP

Inaresto ng pinagsanib ng pwersa ng mga tauhan ng Paranaque City Police Station, Directorate for Intelligence at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang live in partner ng high value drug target na si Ricardo “Ardot” Parojinog, na unang naaresto sa Taiwan.
 
Kinilala ni Philippine National Police Chief Director General Oscar Albayalde ang suspek na si Mena Luansing, na inaresto sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) branch 15 ng Ozamiz City dahil sa illegal possession of firearms and explosives.
 
Si Luansing ay inaresto kahapon ng alas-7:00 ng umaga sa kanyang tahanan sa Belisario compound, San Isidro, Paranaque kasama ang isang Jonas Galamitan Cablitas, na umano’y nagkakanlong sa suspek.
 
Ayon kay Albayalde, si Luansing ay dati ring provincial board member ng Misamis Occidental tulad ni Ardot, na nag-resign sa pwesto.
 
Si Ardot, na nahaharap din sa kaparehong mga kaso kay Luansing sa korte sa Ozamiz ay kasalukuyang arestado sa Taiwan at nahaharap sa kaso ng illegal entry sa bansa.
 
Magugunitang nagtago ng 10 buwan si Ardot matapos ang raid sa compound ng mga Parojinog sa Ozamiz kung saan napatay matapos manlaban ang kapatid nito na si Ozamiz Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog Sr., na kabilang sa mga politikong nasa narco-list ng Pangulo.  | via Leo Sarne