Listahan ng mga pinalayang convicts na nakuha ng PNP sa BuCor, kulang sa impormasyon — PNP Chief

Inamin ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde na mahihirapan sila sa pag-account sa lahat ng 1914 na presong pinalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance.

Ayon kay Albayalde, ito’y sa dahilang kulang-kulang sa detalye ang listahan ng mga presong pinalaya na nakuha ng PNP mula sa Bureau of Corrections (BuCor).

Bagamat nakuha na nila ang kumpletong listahan, sinabi ni Albayalde na ang nakasulat lang dito ay ang pangalan at kaso ng mga convicts.

Wala aniyang impormasyon tungkol sa kanilang last known address kung saan maari nilang simulan ang paghahanap.

Wala din daw nakuhang litrato ang PNP mula sa BuCor kaya hindi nila alam ang itsura ng kanilang hahanapin.

Sinabi naman ng PNP chief na umaasa siya na bibigyan din sila ng BuCor ng kumpletong impormasyon para makapagsimula na ang PNP sa paghahanap sa mga ito paglipas ng deadline para sumuko na binigay ng Pangulo sa September 19.

Iniulat din ni Albayalde na hanggang kahapon ng alas-10 ng umaga ay nasa 188 nang preso ang sumuko sa PNP kung saan 29 na ang nai-turn over sa BuCor.