Listahan ng mga pangalang napalaya sa ilalim GCTA, dapat nang ilabas — isang mambabatas

Hinimok ni PBA Partylist Representative Koko Nograles ang Bureau of Corrections (BuCor) na ilabas na ang listahan ng mga pangalan ng mga convicted inmates na napalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.

Ito’y matapos bigyan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing mga inmates na sumuko sa pulisya o militar sa loob ng 15-araw.

Ayon kay Nograles, karapatan ng publiko na malaman ang pagkakakilanlan ng mga inmates na maaaring maging subject sa warrant-less arrest.

Paliwanag pa ng kongresista ang sino man na maling nakalaya sa ilalim ng GCTA na hindi susuko ay maari nang ituring bilang escapee at maaaring maharap sa panibagong kaso ng Evasion of Service Sentence sa ilalim Article 157 ng Revised Penal Code.

Kapwa naman sinusuportahan ng ilang mambabatas ang naging hakbang ng Pangulong Duterte na sibakin sa pwesto si BuCor Chief Nicanor Faeldon.

Ayon kay Iloilo 1st District Representative Janette Garin, bukod sa pagkakasibak sa pwesto ay dapat ding mapanagot si Faeldon sa kanyang pagkukulang at sanay hindi na siya muli pang ma-appoint sa panibagong pwesto sa pamahalaan.

Ayon naman kay ACT CIS Party List Representative Eric Go Yap, dapat pagtulungang ayusin ng mga mambabatas na aralin ang loophole sa batas.